All Islam Library

88 - The Overwhelming - Al-Ghāshiyah

:1

Nakarating ba sa iyo ang sanaysay ng Tagalukob?

:2

May mga mukha sa Araw na iyon na nagpapakumbaba,

:3

na gumagawa, na nagpapakapagal,

:4

na masusunog sa isang apoy na napakainit,

:5

na paiinumin mula sa isang bukal na pagkainit-init.

:6

Wala silang pagkain maliban sa mula sa isang matinik na halaman,

:7

na hindi nagpapataba at hindi nakatutugon sa gutom.

:8

May mga mukha sa Araw na iyon na nagiginhawahan,

:9

na dahil sa pinagpunyagian ng mga ito ay nalulugod,

:10

sa isang harding mataas,

:11

na hindi sila makaririnig doon ng isang satsat.

:12

Doon ay may bukal na dumadaloy.

:13

Doon ay may mga kamang nakaangat,

:14

at may mga kopang nakalagay,

:15

at may mga almohadon na nakahanay,

:16

at mga alpombrang ikinalat.

:17

Kaya hindi ba sila tumitingin sa mga kamelyo kung papaanong nilikha ang mga ito,

:18

at sa langit kung papaanong inangat ito,

:19

at sa mga bundok kung papaanong itinirik ang mga ito,

:20

at sa lupa kung papaanong inilatag ito?

:21

Kaya magpaalaala ka; ikaw ay isang tagapagpaalaala lamang.

:22

Hindi ka sa kanila isang tagapanaig.

:23

Ngunit ang sinumang tumalikod at tumangging sumampalataya

:24

ay pagdurusahin siya ni Allāh ng pagdurusang pinakamalaki.

:25

Tunay na tungo sa Amin ang pag-uwi nila.

:26

Pagkatapos tunay na sa Amin ang pagtutuos sa kanila.