All Islam Library

50 - The Letter "Qaf" - Qāf

:1

Qāf. Sumpa man sa Qur’ān na maringal.

:2

Bagkus nagtaka sila na dumating sa kanila ang isang tagapagbabala kabilang sa kanila, kaya nagsabi ang mga tagatangging sumampalataya: "Ito ay isang bagay na kataka-taka.

:3

[Bubuhaying muli kami] kapag namatay ba kami at kami ay naging alabok? Iyon ay isang pagpapabalik na malayo [nang mangyari].

:4

Nakaalam nga Kami sa anumang ibinabawas ng lupa mula sa kanila. Sa piling Namin ay may isang talaang mapag-ingat.

:5

Bagkus nagpasinungaling sila sa katotohanan noong dumating ito sa kanila, kaya sila ay nasa kalagayang natutuliro.

:6

Kaya hindi ba sila tumingin sa langit sa ibabaw nila kung papaanong nagpatayo Kami nito at gumayak Kami nito, at wala itong anumang mga bitak?

:7

Ang lupa, bumanat Kami nito, naglapat Kami rito ng mga matatag na bundok, at nagpatubo Kami rito ng bawat uring marilag,

:8

bilang pagpapakita at bilang paalaala para sa bawat lingkod na nagsisising nagbabalik.

:9

Nagbaba Kami mula sa langit ng isang tubig na biniyayaan saka nagpatubo Kami sa pamamagitan niyon ng mga hardin at mga butil na inaani,

:10

at mga puno ng datiles, habang mga pumapaitaas na may bunga na patung-patong,

:11

bilang panustos para sa mga lingkod. Nagbigay-buhay Kami sa pamamagitan nito ng isang lupaing patay. Gayon ang paglabas [ng buhay].

:12

Nagpasinungaling bago nila ang mga kababayan ni Noe, ang mga naninirahan sa Rass, ang [mga kalipi ng] Thamūd,

:13

ang [mga kalipi ng] `Ād, si Paraon, at ang mga kapatid ni Lot,

:14

ang mga naninirahan sa kasukalan, at ang mga kalipi ni Tubba`. Bawat [isa] ay nagpasinungaling sa mga sugo kaya nagindapat ang banta Ko.

:15

Kaya nangalupaypay ba Kami sa unang paglikha? Bagkus sila ay nasa isang pagkalito sa paglikhang bago.

:16

Talaga ngang lumikha Kami sa tao, habang nakaaalam Kami sa anumang isinusulsol sa kanya ng sarili niya at Kami ay higit na malapit sa kanya kaysa sa ugat ng leeg.

:17

[Banggitin] kapag tumatanggap ang dalawang [anghel na] tagatanggap sa gawing kanan at sa gawing kaliwa habang nakaupo.

:18

Wala siyang binibigkas na anumang pagkakasabi malibang sa tabi niya ay may isang mapagmasid na nakalaang [magtala].

:19

Maghahatid ang hapdi ng kamatayan ng katotohanan; iyon ay ang dati mong tinatakasan.

:20

Iihip sa tambuli, iyon ay ang Araw ng Pagbabanta.

:21

Darating ang bawat kaluluwa na may kasama itong isang tagaakay at isang saksi.

:22

[Sasabihin]: "Talaga ngang ikaw dati ay nasa isang pagkalingat rito, kaya humawi Kami sa iyo ng lambong mo kaya ang paningin mo ngayong araw ay matalas."

:23

Magsasabi ang [anghel na] kaugnay niya: "Ito, ang taglay ko, ay nakalaan."

:24

[Sasabihin sa dalawang anghel]: "Magtapon kayong dalawa sa Impiyerno ng bawat palatanggi na mapagmatigas,

:25

palakait ng kabutihan, tagalabag, tagapag-alinlangan,

:26

na gumawa kasama kay Allāh ng isang diyos na iba pa. Kaya itapon ninyong dalawa siya sa pagdurusang matindi."

:27

Magsasabi ang [demonyong] kaugnay niya: "Panginoon namin, hindi ako nagpalabis sa kanya, subalit siya dati ay nasa isang pagkaligaw na malayo."

:28

Magsasabi Siya: "Huwag kayong magkaalitan sa piling Ko at nagpauna na Ako para sa inyo ng banta.

:29

Hindi napapalitan ang sabi sa piling Ko at Ako ay hindi palalabag sa katarungan sa mga alipin."

:30

Sa Araw na magsasabi Kami sa Impiyerno: "Napuno ka kaya?" at magsasabi ito: "May dagdag pa kaya?"

:31

Palalapitin ang Paraiso para sa mga tagapangilag magkasala nang hindi malayo.

:32

[Sasabihin]: "Ito ay ang ipinangangako sa inyo – para sa bawat palabalik, mapag-ingat,

:33

na sinumang natakot sa Napakamaawain nang lingid at naghatid ng isang pusong nagsisising bumabalik.

:34

Pumasok kayo rito sa kapayapaan; iyon ay ang Araw ng Pamamalagi."

:35

Ukol sa kanila ang anumang niloloob nila rito at mayroon Kaming isang dagdag.

:36

Kay rami ng ipinahamak Namin bago nila na salinlahi na higit na matindi kaysa sa kanila sa bagsik, saka gumalugad sila sa bayan; may mapupuslitan kaya?

:37

Tunay na sa gayon ay talagang may paalaala para sa sinumang may puso o nag-ukol ng pakikinig habang siya ay saksi.

:38

Talaga ngang lumikha Kami ng mga langit at lupa at anumang nasa pagitan ng mga ito sa anim na araw at walang sumaling sa Amin na anumang kapagalan.

:39

Kaya magtiis ka sa sinasabi nila at magluwalhati ka kasabay ng pagpupuri sa Panginoon mo bago ng pagsikat ng araw at bago ng paglubog.

:40

Sa bahagi ng gabi ay magluwalhati ka sa Kanya at sa mga katapusan ng pagpapatirapa.

:41

Makinig ka sa Araw na mananawagan ang tagapanawagan mula sa isang pook na malapit,

:42

sa Araw na maririnig nila ang Sigaw kalakip ng katotohanan. Iyon ay ang Araw ng Paglabas.

:43

Tunay na Kami mismo ay nagbibigay-buhay at nagbibigay-kamatayan at tungo sa Amin ang kahahantungan,

:44

sa araw na magkakabiyak-biyak ang lupa palayo sa kanila habang nasa pagmamadali. Iyon ay isang pagkakalap, na sa Amin ay madali.

:45

Kami ay higit na maalam sa anumang sinasabi nila. Ikaw sa kanila ay hindi isang mapaniil, kaya magpaalaala ka sa pamamagitan ng Qur’ān sa sinumang nangangamba sa banta Ko.